August 2008 Archives
Kontribusyon ni Eric Manalang, Ang Kapatiran Party
(Isinulat sa Filipino para sa buwan ng wika)
Sa maraming lugar sa Pilipinas at sa labas na rin, dumarami ang nagsasama-samang mga grupo upang bigyan ng boses at aksyon ang nadaramang sakit sa tiyan, puso, bulsa at kung ano pa patungkol sa lalong lumalalang krisis sa ating minamahal na bayan.
Sumasama na rin ang mga nag-oorganisang mga simbahan, laiko, pulitiko, estudyante, overseas pinoys, negosyante, nakakubling opisyal ng pamahalaan, nakalantad na dating mga opisyal, pulis at sundalo at maaring maraming iba pa.
Lahat hinahangad ang PAGBABAGO...Kaya?
Ngunit hindi lamang ngayon mangyayari ito. Halus kasing tanda na ng pulitika sa Pilipinas and paglalankay langkay ng grupo upang lumakas, marinig, at kumuha ng suporta at pwersa sa masa at "middle class."
Meron kayang pag-asa ngayon?
Kung ang adyendang Tunay na Pilipino ang isusulong upang si Juan ay magkaroon ng tunay na kalayaan sa napakapanirang pulitika, ito'y mayroong patutunguhan. Ngunit kung ang iiral lamang ay ang personal na interes ng mga pulitiko, simbahan, military at ibang mga organisadong grupo para sa isang makitid na adhikain ay sayang lang muli ang pagsasama-sama.
Hanggang hindi maintindihan natin na ang reporma ay meron pinanggagalingang basehan, papaano malalalaman kung ano ang dapat na repormang gagawin ng bawat isa at ang bawat grupo na kasama rin naman sa gumawa ng problema.
Tayo ay humaharap ng isang "collective guilt" dahil sa pagtangging humarap sa katotohanan at kalokohan na nangyayari sa ating kapaligiran. Ito ay naging isang masamang kultura na siyang lalong binubuhay ng maruming pulitika.
Nasaan ang pag babatayan ng reporma? Sa sarili? Sa isang pamilya? Sa isang barangay? Sa buong BAYAN?
Tignan natin ang ating mga puso. Tignan natin ang ating pamilya. Tignan natin ang ating kapitbahay, mahirap man o mayaman. Alam ba natin ang pagsulong ng adhikain upang magkaisang puso at damdamin?
Sa araw-araw na tayo ay nabubuhay sa bayan natin dalawang bagay lamang ang maaring mangyari: Isulong and kabutihan panglahat o kaya wasakin ito.Walang pagitan sa dalawa. Ginagawa natin o winawasak natin.
Mas nakararaming nagwawasak kaya o nagsusulong? Sagutin natin.
Walang tunay na reporma, walang maaasahang koalisyong mayroong katuturan, walang pagtatagpo.
Iwasan na natin ang pangsariling pamamalakad. Hanapin natin ang tunay na kalayaan.
Ang Kabutihan Panglahat o "common good," walang iba.
Mabuhay ang Pilipinong Makabayan.
